7:33 AM
hindi ko na kayang sumaya
binigay ko na ang lahat ng ligaya
SABI NILA humanap ng iba
sabi ko'y hindi na kaya, ikaw na talaga
isa kang ubod ng bulaklak ng sampaguitang hindi pa nakakapagsimulang magbigay ng bango.
nagsimula ang lahat sa nakalipas na panahon. oo. magulo. isa ka kasing hindi napagpatuloy na ala-ala sa aking nakaraan. natapos nang hindi man lang nasimulan. hindi ko naman pinansin.
lumipas ang panahon at sandamakmak na lalaki na ang aking kinalantare. nakaupo ako noon habang nag-iisip ng mga ala-ala, sabay namang tugtog ng making love out of nothing at all ng air supply. punyeta. parang nangaasar pa.
sinubukan kong kalimutan ka gaya ng SABI NILA
ginagawa ang lahat, para kalimutan ang problema
pero lahat ng sakit, bumabalik sa gabi
kapag mag-isa na, at wala ka saking tabi
ang bagong tubong ubod ay nagsisimula nang bumuka.
namumutawi ang ngiti sa aking mga labi nang magbigay ka ng ilang pasaring na ipagpatuloy ang nasimulang hindi ko nabigyang pansin dahil ako noo'y namamangka sa ilog ng isa mong kaibigan.
wala na akong magawa. inaamin ko, nagugustuhan na din naman kita noon.
SABI NILA, wala na daw pag-asa!
tapusin ko na daw ang aking mga pagdurusa
tumigil ang ihip ng hangin, huminga ng malalim.
binuga lahat hanggang sa makakaya.
tumutulong ang mga bubuyog para ikaw at ako'y makapagpunla na.
nagpatuloy ang ating paglalandian. pinupunta-puntahan kita sa pad mo. natutuwa ka naman.
kinilig pa nga ako isang beses ng magpabili ka ng nilagang mais. ang nasa isip ko noo'y misis kita at ika'y naglilihi. Sa pag-uwi kong tangan ang habilin mo'y sisiilin mo ako ng maiinit na halik. magniniig ang ating kaluluwa, sabay tayong lilibot palibot ng mundo sa tatlumpung minuto. walang pakialam ang iba. tayo noo'y naging isa.
dumiretso ang lahat hanggang sa bigla kang nag-u-turn.
hindi ko maiwasang hindi mag-isip.
hinihintay ang sagot, hindi naiinip.
SABI NILA, punyeta, eto nanaman sila.
ginilitan ko na sa leeg hanggang sa lumuha.
naghihintay akong mamukadkad ka na. pero biglang parang bula, hinablot ka ng bata. tinuhog sa sinulid at ipinagbenta sa bangketa. natunaw ang mundo ko.
oo. hindi ko inakalang may ganung factor ka pala. ngunit hindi naman ako nabigla. sanay na ako sa mga lihim mo. lahat naman tayo'y may karapatang maglihim. pero iba ka eh, ibang kaso ang sa iyo. kahit ipaglaban kita sa piskalya eh ipapatalo mo talaga ang kaso. alam kong hindi mo ko kayang ipaglaban. alam ko yun. alam na alam ko.
hinding-hindi ko makakalimutan ang linya mo, "sorry tenshi, but i have a new tenshi now, and this time, it's my baby. sorry."
nagunaw ang mundo ko. gustong maglaho ng buo kong pagkatao. ngayo'y naglakas loob akong isulat to. kung hindi'y sasabog na ang bawat piraso.
ang sampaguitang inalagaan ko'y nawala na sa bakuran ko. malayo na sya. ayaw ko na ng sampaguita, sa susunod nama'y gumamela.